Linggo, Hunyo 15, 2014

Para! Diyan lang sa may kanto! (kuwentong kalye atbp.)

Halos dalawang oras: Nakaupo. Nagmamasid. Nag-iisip. Nakikinig sa walkman. Nagbabasa. Nag aaral. Nakikipag kamustahan. Nakikipag away

Halos dalawang oras araw araw. Halos dalawang oras akong nakaupo - Dalawang oras sa loob nang pambansang sasakyan ng Pilpinas na kung ilarawan ni Yoyoy Villame ay “parang auto na mayroong unan at design na pampasahero.”Dalawang oras araw araw. 

Pag sinuswerte, makakasakay sa jip na hindi lang bago ay mayroon pang stereo. Jackpot.  Solb na ang ilang oras na battery nang walkman. At di lang yan, ito ang mga dyipneyng may mga driver na hindi lagpas kuwarenta -  si kuya driver na kayang lumusot sa anumang trapik at eskinita. Ayos. Sure na ang joyride. Pero kung mamalasin naman ay doon sa lumang jip ni manong driver na kung tumakbo ay daig pa ni kuya’ng naka bisikleta. Yung mga “dyipneyng” kung masasagasaan ka ay di ka naman mamatay sa impact nang pagkakabundol sayo kundi dahil sa tetanong dulot nang kinakalawang na makinilya. Tsk tsk tsk. Minsan wala na kasing choice. Wala ka nang magawa kundi umiyak nalang sa sulok at sabihan ang sarili nang goodluck at better luck next time. Hay naku.

Pero sa bawat dalawang oras nang bawat araw ko na nakalaan sa pagsakay ng dyip ay katumbas rin ang dalawang oras na nahahalubilo ko ang iba’t ibang uri nang pasahero. May pasaherong pasimple lang na natutulog – hinay hinay na pinipikit ang mata at nagnanakaw nang kahit konting minuto para maka idlip. Mayroong mga tila bestprend ang cellphone na wala nang ginawa kundi ang maglaro ng tetris o candy crush, o di naman kaya ay nagte-textxt o nag e-ef-bi (FB). Sila yung magugulat ka nalang dahil bigla nalang ngingiti o magiging seryoso. At huhulaan mo nalang sa isipan mo kung bakit nga ba bigla nalang nag iba ang mood ni ate o ni kuya. Ano kaya ang nabasa niya? Mayroon ding halatang gutom na binabalewala ang mga nakatingin. sila yung mga hindi ma awat sa pagkain. Minsan ikaw nalang ang nahihiya kapag tinititigan mo sila. Aba naman, baka naman kasi mag akala sila na gutom ka rin at naiinggit ka sa bawat kagat nila at lunok nang hamburger na galing Jollibee. 

May mga pa-cool din na naka headset lang, may sariling mundo - sinasabayan ang kantang ipiniplay sa kanilang mga walkman. Yung mga hindi tinatablan nang pasigaw na pagtawag tuwing nakikisuyo ka nang pamasahe mo. Sila yung mga kailangan mo pang tapikin para malaman nilang hindi sila nag iisa at may mga kasama sila sa dyip. May mga estudyante ring gahol sa oras at piniling tapusin nalang ang homework sa pampasaherong jipney. Ba, akalain mong pwede palang magsulat kahit umaandar ang dyip. Sila yung minaster na ang pagbabasa at pagsusulat sa loob ng jip kahit paminsan minsan ay lubak ang daan. Isang kongkretong halimbawa ng tinatawag nilang “mind over matter.” 

May mga pasahero ding matatapang. Sila yung mga nakikipag away dahil sa kulang na sukli o di naman kaya ay nagagalit dahil sa sobrang singil. Hindi rin naman kasi natin sila masisisi lalo na’t may mga anomaly talagang nagaganap. Uso din kaya ang korupsyon sa araw araw na pamamasada ng mga hari ng kalsada. 

Hindi rin mawawala ang mga inienjoy lang ang byahe - tahimik na nakaupo at tinitingnan ang dinadaanan at bawat sumasakay. Sila nga ang mga tinatawag nating mga most observant. Ang karamihan sa kanila gumagawa pa ng mental note kung ano ang nakikita. Hindi sila nalalayo sa mga katropa ko na ginawang venue para mag isip ang dyip - Nagmumuni muni upang mas maintindihan ang buhay at bawat pagsubok nito. Ahem. :p

Pero ang pinaka hindi mo inaasahan at sigurado akong ayaw na ayaw mong makasabay sa pagsakay mo sa dyip ay si manong/manang pickpocketer. Aba marami rami narin sila. Parang epidemya na mahirap tukuyin kung saan nga ba nagmula. Ingat ingat lang. Mahirap na. Kung hindi ka maging biiktima ay baka akalain ni manong driver at kuya kundoktor na katropa mo sila.

At eto pa, isang payong pangkaibigan. Huwag masyadong relax sa kinauupuan. Baka makalimutang sabihin na... Kuya! Para dito lang J